Panalangin ng isang magnanakaw sa loob ng isang kumakaripas na ordinary bus sa SLEX biyaheng Laguna sa isang madaling araw ng Biyernes*

Aba ginoong maasta
Punong-puno ka ata ng grasya.
Siguro ‘di pa natitirhan ang iyong pitaka
ng kahit anong barya.

Sagad kang pinagpala sa pasaherong lahat.
Sa iyong bulsa’y may ipod, iphone at digicam na akong nasasalat.

Ngunit bakit sa iyo’y aking nababakas ang pagal na kaluluwa?
Samantalang ang mukha mo’y kulay kamatis at amoy serbesa.
May problema ka ba sa pera?
Nagtiwala, nagpautang, ‘di binayaran, at naimbiyerna?
O sa trabaho ba ika’y inaabuso ?
Kaya ang hitsura mo’y parang ginahasa ng sampung demonyo.
Marahil sa pag-ibig ika’y nasawi.
Kaya sa bote ng alak tinangkang lunurin ang lumalangitngit na pighati.

Ginoo ano pa man ang iyong pasanin
Nandito lang ako sa tabi mo’t serbisyo’y handang ihain.

Kung ang puso mo’y nasugatan
Payo ko ito’y iyo na lang kalimutan.
Sapagkat sa buhay maraming palaisipan
Ngunit pagdating sa isip ng mga kababaihan
Kasaguta’y ‘di pa natutuklansan.
Kaya’t sa ngayo’y limutin mo na munang mayroon kang damdamin.
At ‘yaan munang magpahele sa banayad na agos ng hangin.

Kung trabaho mo naman ang iyong kalbaryo
Patawad ginoo pero isa kang gago.
Sapagkat maraming Pilipinong walang trabaho
At mas malaki pa ang problema nila sayo.
Kaya’t humimbing ka na lang muna’t gawing unan ang balikat ko.
Sapagkat bababa na ‘ko maya-maya
Sa boundary ng Muntinlupa’t San Pedro.

At kung problema sa pera ang iyong tangan,
Mas makabubuti kung ito’y iyo nang pakawalan.
Dahil sa bawat siwang ng ating bayan,
Pera ang bumabalakid sa kasaganahan.

Ang mga kapitalista’y pera ang gamit,
Upang sa kanilang mga kawalanghiyaa’y ‘di sila sumabit.
Ang mga politiko’y pera rin ang hangad.
Sa simpleng rason na pinanganak silang sadyang bad.
Maski ang mga banyagang mapagsamantala
Pera rin ang gamit sa kanilang pagmamanipula.

At pera rin at pera lamang ang may kasalanan
Kung bakit ang moralidad natin ay unti-unting nakakalimutan.
Kaya’t tanging pera ang ating problema
Ang rason sa pagkabulok ng ating sistema.
Marapat lamang ginoo na itatwa natin ang pera
Para tayong lahat na ay guminhawa.

Ngunit dahil ako sayo’y sadyang nahabag.
Handa akong akuin kung ano sayo’y nagpapabagabag.
Kaya’t ‘yaan mo akong ibsan ang bigat ng iyong dinadala.
At laslasin muna ang iyong pantalon sa magkabilang bulsa.

Ginoo huhugutin ko ang nakatarak na problema sa iyong kaluluwa
Sa pamamagitan ng pagkuha sa iyong pera.
Ang iyong ipod, iphone at digicam ay aangkinin ko na rin.
Sapagkat ililigaw ka lamang ng mga ito sayong pagso-soul searching

Sige ginoo patuloy ka na lang munang matulog
Dahil inaako ko na ngayon ang mga pasakit
Na minsan sa buhay mo’y pumaimbulog

Panalangin kong maging maluwalhati ang bawat pagbiyahe mo.
Habang ang huling dalangin ko’y matuto ka ng Stoisismo.

“Mama, para, bababa na ako,
Buhat ang krus ng ginoong ito.”

*inspired by a true story

8 thoughts on “Panalangin ng isang magnanakaw sa loob ng isang kumakaripas na ordinary bus sa SLEX biyaheng Laguna sa isang madaling araw ng Biyernes*

  1. “Ang mga kapitalista’y pera ang gamit,
    Upang sa kanilang mga kawalanghiyaa’y ‘di sila sumabit.”

    –i sooo agree! asteeeg ng gawa mo sir bimbo! heher

  2. “Ang mga politiko’y pera rin ang hangad.
    Sa simpleng rason na pinanganak silang sadyang bad.”

    “Ang iyong ipod, iphone at digicam ay aangkinin ko na rin.
    Sapagkat ililigaw ka lamang ng mga ito sayong pagso-soul searching”

    Hehe. Nice, nice. Ang kulit. Ganda ng pagkakagawa.😀

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s