Nung isang araw

Nung isang araw diyan sa may kanto, binaril sa ulo ‘yung mamang reporter. Sa radyo? Sa diyaryo? Sa TV? Di ko na matandaan kung saang reporter siya, basta binaril siya. Nung isang araw lang. Di ko tanda kung anong petsa. Basta binaril siya nung isang araw.
Tatlong putok ‘yung narinig namin. Tatlong putok ‘yung tumapos sa kaniya. Hindi. Hindi naman mabilis. Parang may ilang segundong pagitan ‘yung mga putok. Siguro pinagmamasdan muna nung pumatay ‘yung mamang reporter. Siguro, sa pagitan ng bawat kalabit sa gatilyo, sumusubo siya nung pulutang natira sa mesa. Siguro shumashat din siya ng serbesa. Nagtakbuhan daw kagad ‘yung mga kainuman nung mamang reporter pagkatapos pakawalan ‘yung unang putok. ‘Yung sari-sari store na pinagbilhan nung mamang reporter tska nung mga kasama niya ng maiinom, sumara kagad ‘yung bintana tas namatay ‘yung ilaw. Oo, medyo madilim talaga sa lugar na iyun. Pero pagkatapos nung pangyayari, lalo pang dumilim. Pagkarinig nung unang putok, nagsara nga ng ilaw ‘yung tindahan sa tapat nung mga umiinom. Tas sumunod din ‘yung mga katabing bahay. Tas ‘yung katabi pa ulit, tas ‘yung katabi… Dumilim nang dumilim ‘yung lugar sa bawat putok, parang akala mo nga fuse ng kuryente namin ‘yung pinapasabog. Natakot din kasi ‘yung mga tao dun. Magkasabay, magkabilaan, gumapang ‘yung dilim at takot, takot at dilim. Wala namang laban ‘yung mga ‘yun sa baril nung mama. Hindi, mag-isa lang ‘yung pumatay. Parang nakita ko nga rin ‘yun bago ako pumasok ng bahay. Galing din ako dun sa tindahan, bumili ako ng de-lata pang-ulam sa bahay. Naglalakad lang naman siya eh. Normal lang yung suot niya. Naka-polo, maong, tas black shoes. Hindi ko siya kilala. Parang taga-ibang baryo ata, pero ‘di ako pamilyar sa kaniya. Pero sabi nung mga ilang nagtatrabaho sa munisipyo, nakita na raw nila ‘yun dun, sa munisipyo. Ah, siguro mga apat silang umiinom dun kasama ‘yung reporter. Oo kilala ko ‘yung mga kasama nung reporter, alam ko pangalan nila. Ah hindi. Hindi naman kasi taga-rito yun eh. Nagpupunta lang yun dito minsan para magtanong-tanong. Sa ibang bayan pa ata nangagaling ‘yun. ‘Yung mga kainuman niya ‘yun ‘yung palagi niyang pinagtatanungan pag nagpupunta ‘yun dito. ‘Yung isa sa munisipyo nagtatrabaho tas ‘yung dalawa dun sa may planta diyan pumapasok. Medyo matagal na nga rin nung huli kong nakita yung tatlong ‘yun pagkatapos mabaril ‘yung mamang reporter. Ah mayroon naman. Medyo kilala ko pa nga ‘yung humahawak nung kaso. Dati dito nakatira ‘yun pero lumipat na dun sa kapitolyo nung napromote at tumaas yung rango. Nagpunta sila dito nung kinabukasan ng tanghali nun kasama yung dalawa niyang tauhan. May mga kinausap silang ilang pamilya. Nagtanong-tanong din, parang ‘yung ginagawa nung mamang reporter pag minsang nagpupunta siya rito. Nagpunta rin sila siyempre dun sa tindahan tas tinanong-tanong nila ‘yung may-ari. Medyo makapananghali pa nga nun at tirik ang araw kaya nagmeryenda muna sila dun sa tindahan pagkatapos nilang magtanong-tanong. Nandun pa rin, di naman nila itatapon ‘yun kasi di naman sinira nung pumatay. Ginamit pa nga ng mga pulis ‘yung lamesang yun habang nagmemeryenda sila, oo, pinatungan nila ng softdrinks. Itanong mo na lang dun sa police station sa kapitolyo, siya ‘yung hepe dun. Siya nga rin ‘yung humawak nung ibang kaso nung mga namatay na reporter, pero ‘di naman dito ‘yun, sa ibang bayan na ‘yun. Sabi nila mga NPA daw pumatay dun. ‘Yun din sabi ata nung mga pulis, tska sabi NPA din daw yung mga ‘yun, ‘yung mga reporter. Ako ‘di ako alam, ‘di ko naman kilala ‘yung mga ‘yun. Sabi rin nila ‘yung reporter na pinatay dito may mga nakaaway ‘yun sa munisipyo dahil dun sa mga nirereport niya. ‘Di ko alam, basta sabi nila may mga nirereport siya tungkol sa munisipyo, sa mga pulitiko dun. Wala. Wala na. Onti lang sila dito eh. Wala na masyado dumadaang reporter dito tapos nun. Sino pa bang pipiling maging reporter, laging binabaril. Balita ko maliit nga rin suweldo nung mga ‘yun. Wala nang pera, binabaril pa. Ah oo, mayroon pa rin naman, pero puro mga project ni mayor ‘yung nirereport nila tska mga announcement kunyari ng mga liga o fiesta o ‘yung mga bagong tayong kainan sa kapitolyo. Wala na masyado ‘yung gaya nung pinatay, ‘yung nagrereport ng kakaibang storya, yung nagtatanong-tanong. Tska mas mataas din daw kasi suweldo pag mga project ni mayor yung ibabalita. Bali-balita nga na may tinumba na naman daw na gaya niyong mga reporter dun sa kabilang baryo nung isang araw. Tatlong putok din daw. Madilim. Tatlong putok yung tumapos. Walang nakakita. Dumilim. Oo, nung isang araw lang din.

(Para sa lahat ng mga pinatay.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s