Posts Tagged ‘tula’

Tula ngayong El Nino

March 7, 2010

Gusto kong Maging Tubig
ni Adelito Nefalar

Isuuka sa gripo ng kung kaninong tahanan
Aagos ng walang pakundangan
Ililibing ng walang pangalan
matutuyong di malalaman
Ngunit magpapaligo,
magpapalinis,
magpapaligaya
sa katawan
ng hubad na dalaga
Ngunit magpapa-usbong
magpapasigla
at magbibigay-buhay
sa patay na kaluluwa
ng batang walang malay.

Sa May ER

March 4, 2010

Ni Randell Suba

Nagkakatitigan
ang mga hindi mapanatag
na kaba
habang tahimik
at palihim
na tumatakas
ang mga kamay
ng nalalabing pag-asa.
Nakalugmok
ang malamig na pagbabanta
ng unti-unting
paghina
ng mga alingasngas
ng pagliligtas.
Sa pagtakas
ng pintuan ng paghihintay,
sumalubong
ang nakatalukbong
na pamamaalam
at ang lumalangitngit
na paglisan.

Alak

January 26, 2010

ni Michael Coroza
Ang alak anila’y gamot-pampalimot,
Epektibong lunas sa sama ng loob,
Bisa’y talab agad, lagok lang nang lagok
Hanggang sa manghina’t ang diwa’y mag-antok.

Ano kung mag-amoy tsiko at magpungay,
Ngumawa’t sa kalye’y magpasuray-suray;
Ano kung litisin ng makatatanaw.
Bigat ng dalahi’y hindi niya alam.

Kagabi, nagsayaw pati poste’t bato.
Sambote’ng nabasag sa paghalakhak ko;
Nang tiyan ko’y halos pumutok na lobo,
“Sinuka ko pati ang aking pustiso.

Ay! Sana kagabi nang ako’y masuka,
Napatapon na rin ang ‘yong alaala.

Ganito Kung Dumalaw

December 29, 2009

Ganito Kung Dumalaw
Mikael Co

Ganito kung dumalaw sa akin ang mga salita:
madaling-araw, hanging nagtatampisaw
sa luha ng lumisang dilim, liwanag
na nahihiya, nagtatangkang kumawala sa tanikala
ng gabi. Madaling araw—
kung kalian pinakamapang-akit, pinakamaputi
ang bagong papel, pinakamaitim ang tinta,
sing-itim ng langit kanina lamang, pinakamalawak
ang kawalan, salimuot, pag-alaala, paglimot.
Maniwala, malubhang karamdaman ang pagtula.
Nagtataboy ng antok, nangungutya, nang-uudyok,
lagnat ng ulirat, kombulsyon ng kaluluwa.
Ninanakaw sa akin ng pahina ang pahinga,
tuwing madaling araw, ganitong nagbabadya
ang umaga, nanlulunod ang ginaw. Maniwala,
dambuhala ang sala sa akin ng salita,
sinlaki ng mga tala kagabi (tuldok sa langit
na inaangkin ang kalawakan), simbigat ng buwan
kagabi (lumulutang sa langit, humihigop
sa mga alon,) singhapdi ng buwan kagabi
(nagnanaknak na pigsa ng kalawakan.) Malupit
na kasintahan ang salita, darating para lamang
makipagtalik, maninigarilyo sa isang sulok ng silid
habang nagluluwal ka ng sanggol na inihihiga sa papel,
nagdurugo ng tinta, pinasususo ng luha. Malupit,
malupit na mangingibig ang salita—
dadalawin ka lamang kung kailan kailangan,
pagkatapos iiwan, iiwan nang parang hamog
sa pagdating ng tanghali, parang asawang
di marunong humalik, iiwan ka nang walang pasabi,
iiwan ka, nalimot na, nilimot,
nilimot nang walang pasubali.

Nailathala sa Dapitan. Nakalimutan ko na ang specific issue number.

Tulang nagmu-multo multo
Tanagang nanundo-nundo

Panalangin ng isang magnanakaw sa loob ng isang kumakaripas na ordinary bus sa SLEX biyaheng Laguna sa isang madaling araw ng Biyernes*

April 16, 2008

Aba ginoong maasta
Punong-puno ka ata ng grasya.
Siguro ‘di pa natitirhan ang iyong pitaka
ng kahit anong barya.

Sagad kang pinagpala sa pasaherong lahat.
Sa iyong bulsa’y may ipod, iphone at digicam na akong nasasalat.

Ngunit bakit sa iyo’y aking nababakas ang pagal na kaluluwa?
Samantalang ang mukha mo’y kulay kamatis at amoy serbesa.
May problema ka ba sa pera?
Nagtiwala, nagpautang, ‘di binayaran, at naimbiyerna?
O sa trabaho ba ika’y inaabuso ?
Kaya ang hitsura mo’y parang ginahasa ng sampung demonyo.
Marahil sa pag-ibig ika’y nasawi.
Kaya sa bote ng alak tinangkang lunurin ang lumalangitngit na pighati.

Ginoo ano pa man ang iyong pasanin
Nandito lang ako sa tabi mo’t serbisyo’y handang ihain.

Kung ang puso mo’y nasugatan
Payo ko ito’y iyo na lang kalimutan.
Sapagkat sa buhay maraming palaisipan
Ngunit pagdating sa isip ng mga kababaihan
Kasaguta’y ‘di pa natutuklansan.
Kaya’t sa ngayo’y limutin mo na munang mayroon kang damdamin.
At ‘yaan munang magpahele sa banayad na agos ng hangin.

Kung trabaho mo naman ang iyong kalbaryo
Patawad ginoo pero isa kang gago.
Sapagkat maraming Pilipinong walang trabaho
At mas malaki pa ang problema nila sayo.
Kaya’t humimbing ka na lang muna’t gawing unan ang balikat ko.
Sapagkat bababa na ‘ko maya-maya
Sa boundary ng Muntinlupa’t San Pedro.

At kung problema sa pera ang iyong tangan,
Mas makabubuti kung ito’y iyo nang pakawalan.
Dahil sa bawat siwang ng ating bayan,
Pera ang bumabalakid sa kasaganahan.

Ang mga kapitalista’y pera ang gamit,
Upang sa kanilang mga kawalanghiyaa’y ‘di sila sumabit.
Ang mga politiko’y pera rin ang hangad.
Sa simpleng rason na pinanganak silang sadyang bad.
Maski ang mga banyagang mapagsamantala
Pera rin ang gamit sa kanilang pagmamanipula.

At pera rin at pera lamang ang may kasalanan
Kung bakit ang moralidad natin ay unti-unting nakakalimutan.
Kaya’t tanging pera ang ating problema
Ang rason sa pagkabulok ng ating sistema.
Marapat lamang ginoo na itatwa natin ang pera
Para tayong lahat na ay guminhawa.

Ngunit dahil ako sayo’y sadyang nahabag.
Handa akong akuin kung ano sayo’y nagpapabagabag.
Kaya’t ‘yaan mo akong ibsan ang bigat ng iyong dinadala.
At laslasin muna ang iyong pantalon sa magkabilang bulsa.

Ginoo huhugutin ko ang nakatarak na problema sa iyong kaluluwa
Sa pamamagitan ng pagkuha sa iyong pera.
Ang iyong ipod, iphone at digicam ay aangkinin ko na rin.
Sapagkat ililigaw ka lamang ng mga ito sayong pagso-soul searching

Sige ginoo patuloy ka na lang munang matulog
Dahil inaako ko na ngayon ang mga pasakit
Na minsan sa buhay mo’y pumaimbulog

Panalangin kong maging maluwalhati ang bawat pagbiyahe mo.
Habang ang huling dalangin ko’y matuto ka ng Stoisismo.

“Mama, para, bababa na ako,
Buhat ang krus ng ginoong ito.”

*inspired by a true story

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.