May natutunan po akong bago sa panonood ng Dyesebel mga mahal na mambabasa. May kinakausap kasing isang sirena si Michelle Madrigal (nakalimutan ko na pangalan niya dun sa palabas) tungkol kay Dyesebel tas sabi niya, patungkol kay Dyesebel, sa galit at mapang-matang tono, “Isa lamang siyang hampas-dagat.”
Think of the possibilities mga kaibigan. Pano kung si Dyesebel e isang demonyo sa impiyerno at inaalipusta siya ng mga kapwa demonyo dahil siya ang pinaka-demonyo sa lahat ng demonyo at sasabihin sa kaniya ng mga medyo mabubuting demonyo, “isa ka lamang hampas-impiyerno dyesebel.” O kung anghel naman sila sasabihin sa kaniya, “isa ka lamang hampas-langit.” O pano kaya kung mga ibon sila sasabihin sa kaniya ng mga kapwa ibon niya kasi sobrang astig niya lumipad at kukutyain siya, “isa ka lamang hampas-ulap dyesebel!” O pano naman kung si dyesebel e isa sa mga barkadahan ng mga insektong namamahay sa balat ng isang kalabaw at mamatahin siya ng mga kasama niyang insekto kasi sobrang lupit at suwabe niya mag-glide sa ibabaw ng kalabaw at sasabihin sa kaniya, “Dyesebel, isa ka lamang hampas-balat kalabaw.”
Ayus di ba. Dami talagang matututunang makabuluhang bagay sa panonood ng mga teleserye natin hayup. Galing. Takte sobrang entertaining talaga seryoso. Di po talaga ako nagjojoke as in. Natawa kasi talaga ako eh.
—
Dakilang mambabasa kung may oras ka ay maari bang maglaan ka ng kakaunting sandali upang basahin ang youngblood noong isang araw. Totoo ang mga sinabi niya. Maiging namnamin natin ang bawat hibla ng kaniyang mga sinasabi. Matagal-tagal na rin po kasing nadidisturb ang inyong abang lingkod sa epekto ng mga teleserye sa sambayanang Pilipino people. Hindi lang ang mga katangahan ng mga tauhan dito, na sobrang sukdulang tanga at di makatotohanan to the nth power, kundi ang mga kasinungalingan pine-perpetuate nito tungkol sa mga kalakaran at batas ng lipunan, tulad ng mga pulis na pinapakitang bigla na lang naghahalughog sa isang bahay na wala mang lang bitbit na search warrant, paghahatol sa isang kriminal na di pinapakita ang tamang proseso ng paglilitis, pagsasalarawan sa mga government officials (mapa-pulis man, mayor, governor, o maski barangay tanod) na kundi corrupt, e sagad sa buto ang pagka-incompetent at katangahan, at, tulad ng sinabi nung youngblood article, mga quick fix sa pagyaman at pag-asenso sa buhay na talaga namang walang saysay tulad ng pagsali sa mga singing kontes, pagpapakasal sa isang mayaman, at kahit yung pagkatuklas na ikaw pala’y kabilang sa isang mayamang angkan–na kung ating napansin ay nagpo-promote lamang ng Juan Tamad mentality na paghihintay sa ilalim ng puno sa pagbagsak ng prutas sa nakatiwangwang na bibig.
Sa panganib na ma-construe ang sasabihin ko bilang highbrow at elitist, hayaan niyo sana akong sabihin mga butihing mambabasa na walang mabuting madudulot ang panonood ng mga teleseryeng pinoy. Dinudurog lamang nito ang ating mga katinuan at pinapapurol ang ating mga kokote. Mas bulok pa sa bituka ng pinaka-hangal na Customs official ang template na ginagamit ng mga teleserye natin, shino-shortchange nila ang mga Pinoy, shino-shortchange nila ang common sense at katinuan natin.
Take note po mga mapopogi at magagandang mambabasa na di ko sinabing olats ang teleserye per se, kundi teleseryeng pinoy lamang. May ilang teleserye na rin akong napanood na foreign (sadly) na nagpapakita ng kakahayan ng midyum na ito upang magdulot ng magandang epekto kundi man sa lipunan e sa indibidwal na lebel din. Yung pinaka-latest na magandang example e yung napanood kong jdorama mula sa rekomendasyon ng aking butihing kaibigan na si Joboy na pinamagatang “Dragon Zakura.” Tangina mga dakilang mambabasa sana mapanood niyo siya. Pagkatapos mong mapanood yung “Dragon Zakura,” imposibleng di ka ma-inspire magaral, lalo na Math, as in. Nagawa niyang gawing cool ang konsepto ng pagaaral. Ang lupet di ba. At marami pa, karamihan kasi napapanood ko gawang US, tulad halimbawa ng House (na nagmumukhang astig ang medikal na propesyon sa isang nakakaaliw na presentasyon), Lost (na ang sarap mag-feeling intelektwal at mag-theorize sa kung ano ba talaga tangina ang ibig sabihin ng mga pangyayari at magbrush up sa mga classical philosophers), Sopranos (isang sobrang talas at sobrang elibs na pagpapakita sa buhay ng mga gangster sa pamamagitan ng malulupit at patong-patong na storyline at plot twists parang ang sarap umimagine na isa kang script writer, basta sobrang lupet nito), echetera echetera.
(Actualy may nagsulat na ng isang magandang libro tungkol dito. Ito ang Everything Bad Is Good for You: How Today’s Popular Culture Is Actually Making Us Smarter ni Steven Johnson. Isang must-read itong librong ito sa mahilig sa popular na kultura mga kapatid. Pinaliwanag niya kung pano nag-improve ang tv series sa US mula sa I Love Lucy hanggang sa mga palabas ngayon tulad ng 24 at Lost atbp at kung pano ito nakakatulong patalasin ang pag-iisip ng mga manonood. Sadly, tingin ko hindi applicable ang kaniyang mga teorya sa mga teleserye sa Pinas. Wala naman kasing pinagbago eh.)
Sa Pilipinas wala tayong maasahang teleseryeng kayang makipagsabayan sa de-kalibreng teleserye ng ibang bansa, lalo na sa US. Marahil sasabihin natin, e wala naman tayong kakayahan pinansiyal tulad nila. E kailangan nga ba ng pera? Para saan? Effects? Costumes? Kailangan nga ba nun?
Isang malupit at malutong na hindi. Medyo matagal ko na rin tong iniisip, at matagal na ring naluto sa kokote ko bunga ng ilang diskusyon sa mga kaibigan kong henyo at mapopogi sa UST (Kung bibisitahin niyo ang kanilang mga blog, tulad nina Don at Pao, mapapansin niyong may mga sinulat na rin sila dati pa tungkol sa kabulukan ng ating mga teleserye.) Ilang teleserye na ang sobrang nagustuhan ko na pumatok at epektib at di naman nangailangan ng magagarang costumes at umaatikabong effects. Si Don, ilang beses ng inihayag ang kaniyang ideya sa isang mala-West Wing daw na episode, kung saan pinapakita ang mga pasikot-sikot ng pamamahala ng isang presidente sa isang third world country. Mga ideyang lang, mga ideyang matatalas ang perspektiba na maisasalarawan sa isang epektibong paraan, patok na.
Marahil may magsasabi naman na hindi handa ang mga manonood sa isang “modernong” teleserye at hindi ito tatangkilikin kaya’t hindi ito gagawin ng mga producer dahil alingsunod lang din naman ang industriya sa market forces. Marahil. Marahil. Pero walang mangyayari satin kung magpapako lamang tayo sa ganitong klase ng rason. Alam natin na may pagkukulang, kaya dapat magdemand tayo ng mas nararapat di ba mga kapatid.
Ano nga ba ang peligro kung mananatili ang ganitong klase ng mga programa?
Mayroong konseptong tinatawag na hyperreality sa pilosopiya. Sa madaling sabi, ito ang kondisyon kung saan di na lubusang mahimay ng isang kokote ang pagkakaiba ng katotohanan sa pantasya. Isang halimbawa nito ay kung sa kanonood mo halimbawa ng NBN Teledyaryo, napaniwala kang isang butihing anghel ang ating butihing pangulo, o kaya e sa pagbabasa mo ng mga nobel ni Danielle Steel, e na-obsess ka sa konsepto ng isang soulmate. Actually, parang nangyari nga ata ito kay Sharon Cuneta. Natatandaan ko kasi dati, sinabi niya sa isang showbiz interview na isa sa mga dahilan kung bakit sila nagkahiwalay ni Gabby e dahil sa pagbabasa niya ng mga romatic novels na nagdulot sa kaniyang magkaroon ng mga unrealistic romatic notions sa buhay-buhay. Magugulat pa ba kayong malaman na si Kim Jong Il, ang pinaka-kumag na tao sa balat ng lupa, e isang malaking film fanatic? (Idol nga raw niya si Chuck Norris at Steven Seagal. Loko lang. Hehe)
Bakit sa kalsada madalas nating marinig ang mga protesta sa mga kakupalan ng mga opisyal sa pamahalaan. Di ba dapat na rin nating i-konsider ang pagpo-protesta laban sa mga katangahang tumutunaw sa mga konsepto ng maayos na lipunan at pamumuhay na pilit sinasalaksak sating mga kokote ng mga teleserye? Di ba’t applicable din na ipagsigawan natin ngayon sa mga gumagawa ng teleserye ang “Tama na! Sobra na! Palitan na!”?
Magtapos na lang tayo sa isang quote mula kay Lourd de Veyra ng Radioactive Sago, na graduate ng Uste (siyempre kailangan isingit yun, at oo, naging miyembro rin siya ng The Varsitarian katulad ng inyong abang lingkod. pagbigyan niyo na ako blog ko naman to eh). Actually sinubukan kong i-google yung sinulat niya sa Burn magazine tungkol sa crap music na nagmimistulang isang obra kapag pinakinggan mo ng sunod-sunod at mga epekto nito sa katinuan. Pero eto yung nakita ko (mula kay the wily filipino), na mula naman sa isa niyang interview sa Pulp, somewhat echoing the same line:
I… listen to everything from Basil Valdez to Justin Timberlake. Anything except the kind of emo-metal crap and today’s nauseating brand of pop-rock — it’s just enough to chip away at one’s sense of tolerance. I know it sounds bigoted but we must urgently engage in affirmative action against atrocious music. All the evils of the world can be traced to bad songs. Bad songs cause mental pollution, which can lead to social injustice, disrupted traffic systems, terrorism, environmental degradation, government corruption, and Kris Aquino
Amen.
—

(Ilang taon nang nirecycle itong diyaskeng Dyesebel wala namang pinagbago. Puros kagaguhan pa rin).